Pambungad na Pananalita. Magandang umaga sa lahat at maligayang pakikibahagi sa ating patimpalak, ang Dagliang Talumpati para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 20xx. Ako si ______ , ang inyong punong tagapagsalita at modereytor ng patimapalak.
Para sa kaalaman ng lahat, ang pagtatalumpati ay maituturing na isang uri ng sining. Dito makikita ang katatasan at kahusayan ng tagapagsalita sa paghihikayat upang paniwalaan ang kanyang pangangatwiran sa paksang tinatalakay. Kakaiba ito sa ginagawa nating pagsasalita sa araw – araw at sa iba pang anyo ng panitikan.
Ang ating Dagliang Talumpati o Impromptu para sa pagdiriwang na ito ay isang uri ng pampublikong pagpapahayag na magbibigay ng pagkakataon para sa ating mag-aaral na maipahayag ang kanilang opinion o kuro hinggil sa isang paksa sa napakaiksing oras na ilalaan para sa paghahanda.
Pagbabasa ng Mekaniks. Subalit bago natin sila marinig, hayaan ninyo akong basahin ang mga alituntunin ng patimpalak:
- Ang bawat kalahok sa Dagliang Talumpati ay kinakailangang magbigay ng sariling opinyon o ideya hinggil sa paksa sa wikang Filipino.
- Tatanggapin ng Lupon ng mga Hurado mula sa Tagapangasiwa ng Patimpalak ang selyadong sobre na naglalaman ng opisyal na paksa para sa lahat ng mga kalahok sa pagsisimula mismo ng patimpalak.
- Pagdedesisyunan ang pagkakasunud-sunod sa bilang ng mga kalahok sa pamamagitan ng palabunutan. Upang maisagawa ng mga hurado ang mas makatarungang pagpupuntos, ang bawat kalahok ay tutukuyin lamang sa pamamagitan ng kanyang numero.
- Sa oras ng patimpalak, ang bawat kalahok ay titigil sa isang nakabukod na pasilidad hanggang tawagin para sa kanyang dagliang talumpati.
- Kapag natawag na ang kalahok, babasahin ng tagapagsalita nang dalawang beses ang paksa. Ang kalahok ay bibigyan ng isa’t kalahating (1 ½ ) minuto upang mag-isip, subalit hindi naman kailangang tapusin ito. Magsisimula ang bilang ng minuto para sa aktwal na talumpati sa pagbigkas ng unang salita.
- Sa paglilinaw ng mga itinalagang oras—-isa’t kalahating (1 ½ ) minuto para sa paghahanda at tatlong (3) minuto para sa talumpati. Kapag lumagpas sa nakalaan, bibigyan ng karampatang kaltas sa puntos ang kalahok, dalawang (2) puntos sa bawat tatlumpong Segundo.
- Mula sa mga puntos na ibibigay ng mga hurado, pipiliin ang tatlong may pinakamataas at hihiranging mga nagwagi sa patimpalak. Para sa paglilinaw, ang desisyon ng Lupon ng mga Hurado matapos maibigay sa Tagapangasiwa ay pinal ay hindi na maari pang baguhin.
- Narito naman ang mga alituntunin sa pagtatalaga ng mga puntos:
- Nilalaman at Organisasyon. Ang talumpati ay lohikal, may malinaw na tesis at may maayos na paghahanay ng mga ideya (50 puntos)
- Kalidad ng Boses. Ang kalahok ay may tamang lakas nang boses, tamang pagbigkas ng mga salita, at tamang mekanismo ng pagsasalita na naayon sa nilalaman. (25 puntos).
- Sining ng Pagpapahayag. Ang kalahok ay komportable, gumamit ng mga angkop na ekspresyon at kumpas ng mga kamay at iba pang mekanismong di-berbal. (25 puntos).
- Ang kabuuang bilang ng mga puntos ay isang daan.
Pagpapakilala ng Lupon ng mga Hurado. Ngayong narinig na natin ang mga alituntunin ng patimpalak, malugod kong ipinapakilala sa inyo ang mga bumubuo ng Lupon ng mga Hurado na tutulong sa atin upang mapili nang maigi ang mga kikilalaning pinakamahuhusay sa patimpalak na ito.
<Pagpapakilala sa bawat miyembro ng Lupon ng mga Hurado>
Gayong handa na ang lahat, simulan na ang patimpalak! Sa bahaging ito, inaanyayahan ko ang ikalawa hanggang sa huling kalahok, na sumama sa ating mga tagapangasiwa sa silid hintayan. Kalahok Una, kung maari po ay manatili sa lugar.