Ang bawat saknong ay may anim na taludtod, may ganap na sukat na lalabing-animin, at tugmang ababcc. Ang mga nakahilig ay lalawiganing (Rombloanon) binigyang kahulugan sa huling bahagi ng koleksyon.
i| ang bubungan
niluray-luray ng panahon ang dakilang pamandong;
tanda ang malaking siwang ng unos na nagpambutas,
ng bagyong dumaluyong, dagta’t lumot na napayabong.
sa tuyong dahunan, sa sakmal ng habagating mantas,
sumiwang ang araw hangga’t ‘pang-abot sa nananahan;
mga katawang sa lamig at init namumuhunan.
kinayas ang kawayan sa kundimang talim ng sundang,
dinahunan ang bulihan ‘pang gawing latigong uway,
kinalumpon ang mga gapakpak na niyugang pakyang;
saka, dahan-dahang binalikat ni Inang masikhay,
hanggang mapawid, dumaan-daan ang kanyang pamilang,
sa daliring bitak-bitak tanda ng alwang madalang.
dumaing ang kulubuting tuhod ngunit ‘di sumigaw;
sa itaas ng bahay, hayu’t nagpapalit bubungan,
si Amang sa laot, ngayo’y sa alikabukang tanglaw,
wala sa hayumahan, sa pastulan, o sa kahanggan,
nasa sariling bahay, tahanang panaho’y dumaan;
nagmamalasakit sa dakilang bubungang pandungan.
natatalos ng aking isipan ang kahahantungan,
kung bubunga’y naging saksi’t mata ng pagmamahalan,
tiyak akong tagal at tibay panahon ang may tangan;
at pakaisiping sa minsanang pagpatak ng ulan,
hanggat naninirahan nga sa pagkakaunawaan,
sigla ng pagsasamahan, malayo sa hiwalayan.
ii| ang sagwan
kukurap-kurap ang munting alitaptap ng lampara,
inaantok at pupungas-pungas sa yugyog ni Ina;
sa labas, si Ama’y giniginaw at nagpi-prepara,
marahang isinansan ang lambat sa bangkang pamana,
pagkaraa’y humalukipkip, habang sisinga-singa,
sa nangungusap na alon saka bumuntung-hininga.
walang nakababatid ng hiwaga’t hayok ng dagat,
o ng tanikalang gumagapos sa kisig at kayod,
ng inalipustang henerasyo’t mga mandaragat;
habang bagong umaga’y himbing at nagpapahinuhod,
sa buwang sumaksi’t sumitsit sa malihim na laot,
at sa gabing nanligaw ang lambat, nabigo’t nalungkot.
sumandali pa’t nagmistulang engkantong naglalakbay,
sa madilim na kawalan, sa anino ng gunita,
lulan ng bangka, lulan ng masidhi’t payapang pakay,
si Amang nagtitimon, si Kuyang malapit sa tingga;
minsang arko’t sa tubig, iniladlad na nga ang lambat,
umingit sa kasko’t umihip sa galit ang habagat.
pumalahaw ang ginawing sagwan sa batok ng katlo,
pinukaw nang biglaan ang gampaning pangkabataan,
subalit itinanggi ng gabi ang rahas ng tagpo,
saka ipinaunawa tunay na ginhawa’t pasan;
hirap na nakamulatan, hirap na nararanasan,
kambal ng nakaambang pagsilip doon sa silangan.
iii| ang tarangkahan
hihikab-hikab, uunat-unat ang puyat na apoy,
sa sulok ng langit, sa hangganan ng payapang dagat,
nang pumailanlang ang mahinhing huntaha’t panaghoy,
at iyak du’n sa kunang inuguy-ugoy nang marapat;
sabay bukas ng tabing at hindi magkandaugaga,
sa nangangapitbahay at silang mga pinalangga.
matapat nga’t nagsambit ang mga labi ng paghanga,
saludo’t galang sa dakilang pamilyang dinayunan;
sa pagbubukas ng tarangkahan, dukha man sa dukha,
sa pagpapamalas ng katuwira’t kahinahunan,
at mga supling na huwarang tunay ng kasipagan,
at pagkilala sa akademikong katalinuhan.
nagtapos gayung mga berso sa ‘daong sa pasigan,
ng lumang bangkang kakala-kalabog sa sagwang kahoy,
habang basa’t papalag-palag sa asul na sisidlan,
ang naging sasapating biyaya ng bukang-liwayway;
at sa sumandaling maingay na kumpula’t tawaran,
saka isinaga-saga panuyang napaghatian.
naibayubay na sa sampayan ang malansang lambat,
nakaligo na sa tabang at sumaglit sa agahan,
sa eskwela’y hahabol nga si Kuya’t ayaw paawat;
si Amang kagawad de barangay ay nasa labasan,
kausap kanyang kumpare at kaharap si kapitan,
si Ina’y may timplang kape’t lumabas ng tarangkahan.
iv| ang hapag
nagluto si Ina ng dinuguang manok sa gata,
saka nagsaing ng bagong ani at mabangong bigas,
bigay ng kapitbahay kapalit ng suka sa banga;
at nagsindi ng munti’t antigong lamparang de gaas,
sabay sipat sa lumang orasang nahilo’t napagod,
sa buong ganap, sa pawisang Inang pinapanood.
hingal na dumating mga galing malayong eskwela,
bitbit ang lukot na kwaderno’t nakangiting pag-asa,
saglit na naupo’t nagmano sa Inang nasa sala,
saka nagsipagbihis at humarap sa pinggang lusa;
napapapikit sa umuusuk-usok na sinaing,
natatakam sa sabaw at laman ng ulam na hiling.
kalauna’y naulinigan nga ang bahing ni Ama,
na galing sa sentro, sa proyektong inaasikaso,
at Ina’y sumalubong, humalik sa pisngi ng bana,
at kami’y nagsipagmano’t nagdagdag ng pingga’t baso;
sa hapag, sabay naghapuna’t masiglang nagkwentuhan,
sa hapag, ‘ibahagi mga napagkaabalahan.
sa gabi, si Ate’y na’tokang maghugas at magligpit,
katulong ni Inang sa kusina’y may binubutingting,
habang si Amang nabusog sa pasigan ay sumaglit;
at muling ngumiti ang hapag pagkatapos ng piging,
sa tuluyang pagsayad at halik ng kwaderno’t aklat,
sa bungisngis ng malat na lapis sa pahinang buklat.
v| ang lampara
malimit magliham ang Ina sa malayong kaanak,
doon sa bayan sa timog, sa milya-milyang lakbayin,
kung buwan ang bilangi’t kartero’y pagurin nang hamak;
kaya isang gabi matapos ang hapag ay tuyuin,
at tulungan si Bunsong ang takda’t pagbasa’y tapusin,
ay nanghingi ng tatlong kapirasong papel sa akin.
siyang inilabas nahihiyang bolpeng pinanlista,
ng bayari’t utang sa sari-sari at tamang kwenta,
ng palaking gastusing bukas yata ipiprisinta;
saka pabulong na nagtanong at tiniyak ang petsa,
at sinimulang bagtasin kanyang panulat ang linya,
at gumuhit ang tintang asul ng lumbay at ligaya.
saglit na huminto’t binugaw-bugaw ang gamugamo,
na panaka-naka sa liham ay nagnanakaw-basa,
at padampi-dampi sa pisnging palagiang maamo,
hanggang ningas ng lampara siyang humusga sa isa;
nahagip nga ng liyab ang pakpak at muntik matusta,
nahagip nga ng liyab, nasawi’t puso’y nagdurusa.
dinaklot ni Ina ang kawawa’t butil na nilalang,
doon sa madilim na sulok, iniwa’t iniligaw,
saka itinuloy ang sulatin, nagdugtong ng kulang;
habang hihikab-hikab at marahang sasayaw-sayaw,
ang sindi ng lumang lampara sa pagsipol ng hangin,
at gupuing ganap ng antok ang malabong paningin.
vi| ang kumot
saksi subalit pipi ang maiksing kumot na katsa,
sa mga matatabil marapat ilihim ng dila,
sa sagrado’t pribadong gabi’t naipipintang mantsa,
sa patay na lampara, sa ingit at ulang tumila,
sa paghinog ng tala at pagyao ng pagkabata,
ni Ateng gumaganda, ni Kuyang ganap nang binata.
maaga sa alas-sais kung matulog ang pamilya,
si Bunso ang una, nahuhuli si Inang abala,
‘tapos ang kwenta’t ayusin ang mga kahoy na silya;
sisilip at ilalatag ang maligasgas na tela,
upang mainita’t madama ang wagas na kalinga,
at kanya’y payapang tulog at natatanging pahinga.
nagsambit si Ina ng maiksi at taos na dasal,
saka nagkumot, nakisiksik dun sa tabi ni Ama,
tuluyang pipikit at yayapos sa esposong mahal;
o paminsan, pabulong na kakausap sa kasama,
at ipababatid ang ‘di mawikang bukas sa hapag,
ng mga supling na sa Ama’y madalas nababahag.
o paminsan, may lihim na hikbi’t panangis si Ina,
sa telebisyon ng kapitbahay, drama’y napanood,
nang walang proyekto si Kuya’t humiram ng sisenta,
nang walang pambao’t si Bunso’y kawawang nakatanghod;
marahil nga, hindi doon kundi sa sariling drama,
sa sariling dramang si kumot ang laging kaiksena.
vii| ang kalan
nahabag tila si Ama sa pangangahoy ni Ina,
tatlo sa isang linggo doon sa talahibang bukid,
habang hila-hila ang sako’t lubid ng puting baka;
kaya’t ibinili ng kalang de uling sa kapatid,
saka naghanap nga, nangapitbahay ng sakong uling,
kapalit ng pusit at ‘sang sagang isdang giring-giring.
sa tilaok ng tandang at pagpapalaot ng pobre,
minsan siya mag-isa, minsan kasama ang dalawa,
gigising si Ina’t saglit-upo sa kawayang katre;
alas-tres, alas-kwatro’t sumantelmo ang sinding dala,
nagmartsa sa kusina’t kalampag mga kaserola,
sa kukulu-kulong tubig, barakong kape’y tinimpla.
sa malapot na pawis ng kalan, nagsangag ng bahaw,
sa kalderong maitim, kagabi’y natira’t nanlamig,
saka nagbati’t nagprito ng mga itlog na nakaw,
doon sa naglilimlim sa pugad na buring binanig;
sandali pa at handa na nga ang hapag sa agahan,
ngunit tuloy sa pagbabaga’t pagpapawis ang kalan.
‘las-singko na’t ginising ang mga nakangiti’t himbing,
sa marahang padampi-damping halik sa pisngi’t yugyog,
sa paghila’t tupi ng nasiksik na kumot sa dingding;
marahil minsan, sa sigaw ng radyo’t masiglang tugtog,
na nadadalas na ang paghihikbi at pamamaos,
habang pampaligo’y nakapatong sa bagang paraos.
viii| ang telepono
doble-kayod sila nang magkolehiyo ang dalawa,
at iwang tuluyan sa kanila ang hamog at hapag,
at iwang tuluyan sa kanila ang laot at saka;
nang magtungo sa malayo at pangako ay ilatag,
ni Kuya at ni Ateng kapwa nga magsisipag-guro,
na sa teks at tawag, sa lungkot ayaw ngang magpagupo.
tatlo sa ‘sang buwan kung sa bayan si Ama’y magpunta,
sukbit ang lumang pitaka’t kupas na kard ng koreo,
diretsong kanto, sa padalahan ng galibong kwenta;
saka sasaglit sa merkado at uuwi ng baryo,
bitbit ang plastik ng pandikuko’t karneng pang-adobo,
at sa hapon, kay kumpare’y nanghiram ng telepono.
matapos iabot ni Ama ang kopya ng kodigo,
at halaga ng salaping kanya ngang naipadala,
saka ‘ko’y titipa-tipa sa mga letrang gapino,
at matiyagang mag-aantay sa pag-‘salamat’ nila;
paminsan ang atas, aareglo ng tamang tiyempo,
upang sila’y magkarinigan at pawiin ang tampo.
subalit ang tampo’y tuluyang nagdulot ng bagabag,
nang minsang umulan sa langit sa ilalim ng pilik,
habang garalgal ang kiriring ng teleponong ‘tagtag,
at papaupos ang bateryang sumabat nang tahimik;
sa dalawa, may ‘sang nagloko at padala’y nawaldas,
sa dalawa, may ‘sang matatag at nangako nang wagas.
ix| ang medalya
mahigpit ang kapit ni Ama sa pangako ng isa,
si Ina, may tiwala sa pagpapalaki sa lima;
kahit nga ang hikahos na dagat, nagbigay pag-asa,
siyang madalas kasigawa’t kahinaing ni Ama,
sa sakripisyo’t ipinaubayang mga gampanin,
sa salat na biyaya at namimitig na damdamin.
marahil naisitsit ng simoy sa kanilang apat,
kanyang kabahagi’t ibinahagi ng kaulayaw;
sapagkat sa akin ay matagal nang naipagtapat,
kaya’t naging masidhing panata’t noon pa’y pumukaw,
sa masigasig na pag-abot ng adhikang matayog,
at mga karangalang marapat sa magulang ‘handog.
limang beses ngang nahagip ng panguha ng retrato,
mga wagas na ngiti’t kapyangot na ngisngis ng galak,
habang inakay-akay at patuntong sa entablado,
matapos sa mikropono’t saliw ng mga palakpak,
tawaging malakas ang ngalan at parangal ng anak;
at minsang nasanggi ang puso at luha ay pumatak.
limang beses ngang nahagip ng panguha ng retrato,
mga medalyang lagaylay sa sisikdu-sikdong dibdib,
habang sa balikat bahagyang nakadantay ang braso,
na nangingimi sa pagbati at paghayag ng bilib;
ngunit madalas si Ina yaong may pagbating lantad,
at may kung anong pagtiyak ng anggulong husto’t hantad.
x| ang album
malupit ang minsang nawalan ng ulirat na mundo,
sa kagyat na kurap ng mga ma’ugat na talukap,
sa biglang balikwas sa klasikong ritmong sintunado;
o marahil sa dalawang walang pagsingil ng lingap,
na mas piniling masdang magkapiling ang dapit-hapon,
habang ang tumba-tumba, ugoy-panghingalay ang tugon.
nakapagtitighaw kapanlawan ang mga retrato,
na nakubli’t nasilid, namuhay sa mga pahina,
ng album na minsang sa lutong ay perpekto’t kwadrado;
na sa tingkad, mga pintura’y nangusap nang tuwina,
subalit sa lipas nang panahon at nanuyong dahon,
kasabay ang pagpusyaw ng naipagtabing kahapon.
itinula ng mga kapsiyon ang nangabubuhay,
na rekwerdo sa napag-iingatang mga larawan,
ng mga pagtamo ng dunong na matimyas at tunay,
ng mga walang handa’t ‘lang selebrasyong kaarawan,
ng mga hagikhika’t magkukumpare sa tubaan,
at mga pamamanhika’t maririlag na sumpaan.
sumasapit ang lungkot sa huling pahina’t pagtiklop,
sa bahagyang paghawi ng gakapal na antipara,
sa banayad na dampi’t himas sa album na kupkop,
siguro, sa kung anu’t sa takip-silim ikumpara;
o sadyang karuwaga’t subuking ilihim sa lima,
doon sa lunsod, panatag at walang bahid ng alma.
mga lalawiganing gamit sa tula
bulihan. kumpul-kumpol na kinayas na dahon ng buri
uway. lubid na panaling karaniwang gawa sa tingting ng buri o ratan
niyugang pakyang. matigas na tangkay na pinagkukumpulan ng mga dahon ng niyog
kasko. katawan ng bangka na gawa sa kahoy o plywood
dinayunan. pansamantalang (tahanan) tinuluyan
isinaga-saga. itinuhug-tuhog gamit ang lubid o latigong gawa sa buri
panuya. pangkunsumo, karaniwa’y pangkain (at hindi pangbenta)
saga. isang tuhog (yunit) ng isda
teks (slang). maiksing mensahe sa telepono (cellphone)
Marc Kenneth L. Marquez, LPT is the founder and chief publisher of iMillennial Publishers. He is a certified senior high school teacher, financial literacy advocate, stock market investor, blogger, and Filipino millennial.
He composed the poem collection Sampung Kublihan ng Kahapon to document his humble beginnings in a small fishing village in Romblon. It was also published in a book, Pusuan Mo: An Anthology of Literary Works for Millennials, printed by Southern Voices Printing Press in March 2018.