Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino (Buwan ng Wika 2019)

[June 06, 2019] Ang tema ng pagdiriwang sa 2019 Buwan ng Wika ay “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.” Bakit?

Dahil isang mahalagang aspekto ng tungkulin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pangangalaga sa lahat ng katutubong wika ng Filipinas. Ipinaaalala ito ng 1987 Konstitusyon sa pamamagitan ng pagsasabi na ang pagpapayaman at pagdevelop ng wikang Filipino ay dapat isagawa pangunahin sa tulong ng mga wikang katutubo ng Filipinas. Ginarantiyahan din ito ng Republic Act 7104 sa pamamagitan ng atas sa KWF na: “[f]ormulate policies, plans, and programs to ensure the further development, enrichment, propagation, and preservation of Filipino and other Philippine languages.”

Napakagandang pagkakataon din na ang taóng ito ay idineklara ng UNESCO na International Year of the Indigenous Languages (IYIL). Noon pang 2013 ay pinaghandaan na ng KWF ang pagdiriwang para sa taóng ito. Inilatag sa KWF Medyo Matagalang Plano 2013-2016 at 2016-2020 ang mga adhika ng KWF hinggil sa pangangalaga sa mga katutubong wika. Nakabatay ito sa sumusunod na mga simulain:

Una, ang Filipino bilang Wikang Pambansa ay tulay para maging wikang panlahat ng mahigit sandaang wika sa buong kapuluan.

Ikalawa, higit pa sa pagiging tulay, ang Filipino ay dapat payamanin sa pamamagitan ng mga wikang katutubo.

Ikatlo, kailangang gumawa ng mga hakbang upang sa isang banda ay igalang at mahalin ang bawat katutubong wika at sa kabilang banda, panatilihin itong buháy at ginagámit ng mga nagsasalita nitó.

Alinsunod sa mga naturang simulain ay nagsagawa ang KWF ng sumusunod na uri ng aktibidad at proyekto: (1) saliksik, (2) pagganyak sa mga kabataan at kasalukuyang henerasyon na gamítin ang katutubong wika; (3) pagsasalin; (4) pangangalaga sa mga nanganganib na wika.

Sa ilalim ng saliksik, isinasagawa ang Atlas Filipinas, Lingguwistikong Etnograpiya, armonisasyon ng mga ortograpiya, pagbuo ng pambansang gramatikang Filipino, at registry ng Intangible Cultural Heritage (ICH). Ang lahat ng ito ay mga paraan para magkaroon ng sistematiko, komprehensibo, at napapanahong pagtitipon ng kayamanan, karunungan, kasaysayan, at karanasang taglay ng bawat katutubong wika. Bahagi din ng mga proyektong ito ang pagkakaroon ng angkop na artsibo upang maibukás ang saliksik para sa mga interesadong iskolar at mag-aaral ng wika.

Sa ilalim ng ikalawang uri, inumpisahan noong 2015 ang Timpalak Uswag Darepdep. Layunin nitó na ganyakin ang mga estudyante sa paaralang sekundarya na sumulat ng tula at maikling katha gámit ang kanilang katutubong wika. Sa kasalukuyan, naghahanda ang KWF ng isang workshop sa pagsulat para sa mga naturang estudyante. Sa taóng ito, binuksan ng KWF ang iKabataan Ambasador sa Wika (iKAW) para pakilusin ang kabataan tungo sa aktibong pangangalaga at promosyon ng kanilang mga katutubong wika. Ang Bantayog-Wika, isang proyekto para bigyan ng monumento ang mga wikang katutubo, ay isang paraan para itanim sa puso ng madla ang pagmamahal sa kanilang inang wika. Sa kasalukuyan, may Bantayog-Wika na para sa Kinaray-a, Mandaya, Kalingga, Pangasinan, Bikol Sorsogon, Mga Wika ng Mangyan, Tuwali, Ivatan, Tagalog Batangas, Ayta Magbukun, Binukid, Surigawnon, Ibaloy, Blaan, at Tiboli, at may nakatakdang lima pa para itayo sa taóng ito.

Sa ikatlong uri, bahagi ng Aklat ng Bayan ang pagsasalin ng mga natatanging akdang pampanitikan ng mga wikang katutubo at paglalathala ng mga ito sa edisyong bilingguwal (sa orihinal na wika at sa Filipino) upang mapalaganap ang pagpapahalaga sa hiyas ng mga panitikang katutubo. Sa ngayon, nakapaglathala na ng mga aklat sa wikang Bikol, Ilokano, Kapampangan, Sebwano, Mëranaw, Waray, Kinaray-a, Hiligaynon. Ipinasasalin din ngayon ang mga epikong-bayan na tulad ng Lam-ang, Ullalim, Agyu, at Darangën.

Noong 2017, sinimulang asikasuhin ng KWF ang problema ng mga nanganganib na wika. Pinagtuonan ng pansin ang ilang pangkating Negrito at mula dito ay binuo ang espesyal na proyekto na Bahay-Wika, isang paraan ng interbensiyon para mapasigla ang wikang nanganganib nang maglaho. Nitóng nakaraang taon ay nagdaos ng isang internasyonal na kumperensiya upang talakayin ang mga aspekto ng pangangalaga sa mga nanganganib na wika at nag-anyaya ng mga eksperto mula Australia, Canada, United States of America, Thailand, Hawaii, Russia, Ecuador, at United Kingdom. Nagdaos din ng isang seminar-workshop hinggil sa digital language archiving sa tulong ng mga eksperto mula sa SOAS University of London.

Dapat banggitin na nirebisa ng KWF ang kasalukuyang ortograpiyang Filipino upang maging bukás sa pagtanggap ng mga katangiang pangwika na wala sa Tagalog. Sa ngayon, ang pinalalaganap na Ortograpiyang Pambansa (OP) ay nagtataglay na ng mga dagdag at mungkahing katangiang pangwika na mula sa mga katutubong wika.

Hindi magaganap ang tagumpay sa lahat ng naturang proyekto kung nag-iisa ang KWF. Dahil dito, kasalukuyang binubuo ang isang pambansang adyenda sa pagsagip sa mga nanganganib na wika at hinihikayat ng KWF ang lubusang pakikiisa sa proyektong ito ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng DepEd, DILG, NCIP, NCCA, NEDA, at DSWD.

Ang lahat ng mga nabanggit na programa at proyekto ay mga katibayan kung paanong itinataguyod na ng KWF ang temang “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.” Nais nating mahalin at alagaan ang ating mga katutubong wika dahil mga pamana ito ng lahi na kailangan para sa pagkatha ng isang bansang Filipino.

Pahayag Tungkol sa Pangangalaga sa mga Katutubong Wika, Komisyon sa Wikang Filipino